Sunday, October 26, 2025

Buhay at Kamatayan



 “Ang kabataan ay pag-asa ng ating bayan.”
Ito ang tanyag na pahayag ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal. Mahirap isipin na ang isang dakilang tao tulad niya ay may malaking tiwala sa mga kabataang tulad ko—na kayang maitaguyod at ipaglaban ang ating bansa. Tunay nga, noong panahon ni Rizal, maraming kabataang nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan. Ngunit sa paglipas ng panahon, tila marami na rin ang naligaw ng landas, nabighani sa kinang ng salapi at kapangyarihan.

Sa panahon ngayon, ibang-iba na ang takbo ng kabataan kumpara sa inaasahan ni Rizal. Marami ang mas pinipiling magpakasaya sa bisyo at sugal kaysa magpursige sa pag-aaral o magtrabaho nang marangal. Isa sa mga halimbawa nito ay ang mga kabataang nasasangkot sa drag racing—mapa-kotse man o motorsiklo—na hindi iniisip ang panganib o ang sakripisyong dinanas ng kanilang mga magulang. Sa halip na maging pag-asa, tila ba sila mismo ang nagdadala ng panganib sa kanilang sariling buhay.

Nakakalungkot isipin na maraming kabataan ngayon ang tila hinahabol o sinasalubong si kamatayan. Hindi nila iniisip ang magiging kapalit ng kanilang mga maling desisyon. Mahirap puksain ang ganitong mga bisyo at gawain, lalo na kung ang isang kabataan ay lubos nang nalulong dito. Ang tanong ngayon—sino ang dapat sisihin? Ang mga kaibigan ba na nagtutulak sa kanila sa bisyo? Ang barkadang nagpapasama ng loob? O ang pamilyang hindi nakapagbigay ng sapat na gabay at atensyon?

Ang katotohanan, ang lahat ng ito ay magkakaugnay. Ang impluwensya ng kapaligiran, kawalan ng disiplina, at paghahangad ng madaliang tagumpay ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit maraming kabataan ang naliligaw ng landas. Sa kabila nito, may pag-asa pa rin—dahil habang may kabataang handang magbago, handang tumindig para sa tama, at may malasakit sa bayan, buhay pa rin ang diwa ng pahayag ni Rizal.

Sa dulo, ang buhay ay may hangganan. Darating ang oras ng paghuhukom, at doon natin masasagot kung naging mabuti ba tayong anak, mamamayan, at kabataan. Kung maipagmamalaki ba natin sa Diyos ang ating nagawa o mahihiya tayo sa Kanyang harapan.

Tunay nga, “Ang kasamaan ay hindi matatapos hangga’t may isang makapangyarihang lumalason sa ignoranteng kaisipan ng mga kabataan.” Kaya bilang kabataan ng makabagong panahon, tungkulin nating buksan ang ating isipan, palakasin ang ating loob, at patunayan na ang sinabi ni Rizal ay nananatiling totoo—na ang kabataan ay tunay na pag-asa ng bayan.

Mahal kong Ina


Ang pag-aaral ko'y iyong tinustusan
Inuna mo ang aming kaligtasan
Iyong panahon ay nasa aming lahat
Sa iyong sarili ay walang tinira

Ang pagod mo'y napapawi
Makita lamang kami sa mabuti
Puyat at pagod ay di alintana
Mapalaki lamang kaming matiwasay

Ikaw ang lahat sa amin
Di man namin ipakita
Iba ang kabog ng dibdib
Kapag ina na ang kaharap

Pusod mo at aking pusod
Tunay nga na magkarugtong
Nararamdaman ko'y iyong nasasagap
Nag mimistulang manghuhulang ganap

Sa iyong munting pag-alis
Diyos ay nasa iyong tabi
Ika'y kanyang gagabayan
ituturo sa iyo ang tamang daan

Payo mo'y aking susundin
Alagaan ang aking dal'wang kapatid
Mahalin ng buong angking puso
Ihumog sa magandang kaugalian

Ang D'yos ay aking karamay
Sa panahong ika'y wala
Babasbasan niya ako
Upang aking makayanan ang obligasyon

Ina, ako sa iyo ay nangangako
Ako'y magtatapos ng 'king kolehiyo
Ika'y aking aalagaang lubusan
Sukli sa yong pag-hihirap

Pasasalamat sa iyo'y taos puso
Abinitio adinfinitum
Wala na akong makikitang tulad mo
El primera me adios

Saturday, September 6, 2014

Sayonara(Senior Scout Part IV)


            Sa buhay ng tao, sadyang dumarating ang pag-papaalam sa mga taong naging malapit sa iyo, tila ba isang kisap matang mawawala saiyo ang lahat; ang buhay scouters ay ganito lamang; marami kang makikilala ngunit unti unti mong kailangan iwanan, pero masasabing marami silang iiwang ala ala sa iyo; ala-alang maitatago mo sa pang habang buhay. Tanging ngiti lamang ang naiwan ko sa kapwa ko scouter; ngiting ang pahiwatig ay "Sa muling pag-kikita."

              Halong lungkot at saya ang aking nasilayan sa kapwa ko scouter, dahil ito ang araw nang aming pag hihiwalay hiwalay, kay sarap balikan nang mga panahon na kami ay bago pa lamang magkakakilanlan, mga panahong ilang beses kami nalipat ng kampo, panahong kaming lahat ay basang basa ng ulan, nasugatan, naputikan, namaluktot sa lamig ng panahon at higit sa lahat ang pag-kakapalagayan ng loob ng bawat isa sa amin.

               Kay sarap isiping lahat kami ay ligtas, at lalong lalong kay sarap isiping kaming lahat ay kinaya ang pag subok sa loob ng Teresa. Hindi parin maiiwasan ang pagod sa aming lahat ng mga sandaling ito, ang karamihan sa amin ay tulog; dala ng sobrang pagod sa Jamboree pero ako; mas pinili kong magsulat rito sa loob ng truck na sinasakyan namin at tingnan ang mga taong naging parti ng buhay ko.

             Sa aking muling pag-sulat ng di-pormal na sanaysay o di-pormal na dokyumentaryo halong saya, lungkot at pag hanga ang nabuo sa aking isipan. Sa pagitan ng pagiging senior scout at pagiging rakista makikita parin ang tunay na ako, ang makatang ako.

            Tanging pag-sulat ang naisip kong paraan upang ilabas ang tinatakbo ng aking isipan, pag sulat na ang nilalaman ay ala alang nangyari sa Teresa. Sa aming pag-uwi sa aming mga tahanan tanging pag-papasalamat at pag-papaalam ang nasambit ng kami ay papalapit na. Sana ay dumating ang araw na kami ay mag kakasama samang muli, sa dati mang lugar o sa bago ang mahalaga sana'y walang mag bago sa ugaling siya ay nakilala.

             Ang magandang ala ala ay minsan lamang dumarating sa buhay ng tao, kaya't huwag sanang baliwalain at sayangin ang araw na ang isang indibidwal ay nakatagpo ng mga taong hindi nya makakalimutan.

Venturer(Senior Scout Part III)



           Ang pangarap ay maaring matupad sa panahong nanaisin mo itong matupad. Ako, bilang isa sa mga scouts nangarap akong tumaas ang ranggo, noon pangarap ko lang talagang maranasan ang buhay ng isang scout. Ngayon Venturer na ako at isang ranggo nalang paakyat sa pagiging Eagle Scout. Napakasarap isiping tumataas ang aking ranggo dahil narin sa tulong ng aking mga Scout Master at sa pag-gabay sa akin ng guidance councilor na si Mrs. Norie Bautista at sa aming Principal.

          Mahal ko ang pagiging scout kaya naman hinding hindi ko makalimutan ito, siguro'y tatak ko na ito sa aking puso at isipan. Marami akong natutunan sa pagiging scout at lahat ng ito'y aking pinasasalamat sa may kapal at sa mga taong naging parti nito. Hilig ko talaga ang mag venture at mag explore kaya naman napili ko talagang maging Senior Scout kaysa sa MAPEH at NSTP subject. Naalala ko noong grade school pa lamang ako ang liit pa ng ranggo ko; Boy Scout palang ako noon pero ngayon Senior Scout na ko. Gusto ko rin sanang mag Rover Scout pero sana meron ito sa papasukan ko sa kolehiyo.

          Ang lahat ay aking titiisin; pagod, hirap, sakit ng katawan at kaba basta't makamit ko lamang ang pagiging Eagle Scout. Umaasa parin ako na my opportunity pa sa akin para sa ranggong ito.

Contest(Senior Scout Memrories Part II)


                   Napaka rami ng naganap sa aking buhay, ang mga pagbabagong hindi ko inaasahan, kasabay ng pagod ko ang lamig ng panahon rito sa Teresa. Alam kong halos lahat ay pagod na at lahat kami ay basang basa ng ulan. Ang ulan ay hindi pa humuhupa mula ng pumunta kami rito, lahat kami'y may kanyan kanyang ginagawa at halos lahat ay wala pang pahinga.

                    Napakasarap isipig kahit kami'y pagod na, ang lahat ay nariyan parin upang suportahan ako; dahil ako ang naging representative ng San Mateo District sa singing contest ng Senior Scout. Nawala sa akin ang kaba dahil alam kong nariyan parin ang senior scout ng san mateo. Dumating ang oras na ako naman ang kakanta, halos malat ako ng sandaling iyon pero ito'y aking kinaya.

                   Napakasarap pakinggan ng kanilang hiyawan at palakpakan  sa akin ng matapos akong kumanta, halos lahat ay nagulat dahil sa talento kong ipinakita at ang pag tingin sa akin ng Scout Master ng San Mateo National High School na si Mr. Bart ay nagbago at dahil doon sa aking pag-kanta ako'y nakilala ng buong Scout Master ng San Mateo District.

                    Sa Senior Scout ko natutunang ilabas ang aking talento na matagal ko ng itinago. Ngayong araw na ito'y hinangaan ako ng iba kong kapwa scouters. Napakasarap ng kanilang papuri sa akin ng manalo ako sa sa singing contest. Ako'y simpleng senior scouter parin at nakatapak sa lupa dahil alam kong wala akong dapat ipagyabang dahil sila ang dahilan ng aking pag-angat. Ang gabing ito'y aking itatago sa buong buhay ko dahil ngayon lamang nangyari ito.

Missing You(Scout Memories Part I )


                     Kailan kaya makikita ng aking ina ang aking pag-babago? kailan mararamdaman ng aking ina na siya'y mahal ko rin? ito ang ilang mga tanong na gumugulo sa aking isipan ngaun. Sabi nga ng iba; ang pag sisisi ay na sa hulingunit iyan ay ayaw kong mangyari sa ngaun.

                      Kay hirap mawala'y sa aking lalong lalo na alam kong nag aalala sya sa aking kapakanan, ngunit ang lahat ay aking titiisin upang matuto lamang tumayo sa sarili kong mga paa. Ang Scouting ang dahilan ng aking pag-alis, ako'y narito ngaun sa tent nag-iisa, nais matulog ng aking katawan ngunit ayaw ng aking diwa, sa loob nito'y sobrang lamig at ang tubig ulan ay pumapasok sa loob. Naisip ko tulo'y ang aking ina kung makikita lamang nya ang aking kalagayan rito mas nanaisin nya pang umuwi nalang ako sa bahay.

                     Ang lahat ng layaw ko ay sunod ng aking ina, mapasaya lamang nya ang nagiisang anak nyang lalaki bagama't ngayon ay aking pinag-sisisihan ang nagawang kamalian  sa aking ina. Alam kong ako'y nag kamali sana nama'y patawarin ako ng aking ina.

                     Kay tagal pa ng araw ng aking pananatili rito sa Teresa, marami pa akong matututunan sa buhay ng isang Senior Scout. Ang aking tanging hiling ay mapanaginipan ang aking ina; ang kanyang ngiti, boses at ang pag-alaga nyang tunay.

                     Marahil nga ako'y naimpluwensyahan ng masama kaya't ako'y nag-kaganito ngunit ang lahat ay nais kong ituwid kapalit ng kasiyahan ng aking ina, inang nagkalinga sa akin at nag mahal ng lubos mula pagkabata. Sa aking muling pag gising bagong pag-subok na naman ang aking kakaharapin tulad ng mga ginawanag sakripisyo ng aking ina.

Ang Aking Pangarap Para Sa Aking Bayan


                         
                     Kay raming mga pilipino ang patuloy sa pangangarap sa sarili man o sa bayan, hindi nga naman masamang mangarap; masasabing ang pangarap ay bahagi na ng ating buhay. Ang ating mga pangarap ang siyang nag-bibigay ng lakas ng loob para makamit ang magandang hinaharap.

                     Ako, biliang isa sa mga kabataan ng ating bayan, isa ako sa milyong-milyong tao na nangangarap, kung tutuusin madaling mangarap pero nasa saiyo kung paano mo tutuparin ang isinaisip mong pangarap. Ang aking pangarap para sa aking bayan ay ang kalinisan, kapayapaan sa buong tao, kasiyahan ang madarama sa puso ng bawat tao at hindi hinagpis, ngiti sa mga labi at hindi ang luhang dumadaloy sa bawa't nangungulila at higit sa lahat ang maging paraiso ang aking bayan kung saan walang hinagpis at kung saan walang kaguluhan; ngunit ang tinatakbo ng aking isip ay ang mapaganda ang estado ng buhay kung saan makikita ang pantay pantay na pag-tingin sa tao.

                     Ang mangarap ng paraiso para sa aking bayan ay isang imposibleng bagay, ngunit kung susundin ang itsura ng pamumuhay dito maaring ito'y mangyari. Sa paraiso kung saan walang gulo, gera, krimen, away at tanging tawanan, usapan, katuwaan ang tanging maririnig.

                     "Ang pangarap ay tila makitid na daan; kung saan mahihirapan ka, ngunit sa pag-hihirap mong iyon ay may nais kang paroonan, ito'y isa ring magulong daan; ni hindi mo alam kung saan ka papunta; sa kaliwa man o sa kanan basta't ang mahalaga - pagkaingatan ang bawat hakbang na gagawin." -MWSOLLERA