Wednesday, September 3, 2014

Story Of A Long Lost Man(July 10, 2009)

Napakahirap pakawalan ang galit na nararamdaman. Minsan, gusto kong sisihin ang sarili ko sa lahat ng kapabayaang nangyayari sa akin ngayon. Mahirap kalabanin ang sarili—masakit at mabigat. Hindi ako sanay umiyak, at lalo na’t magsalita laban sa aking kapwa. Pero, masisisi n’yo ba ako? Maraming binhing nakatago sa puso ko, ngunit hindi ko kayang pakawalan o gamitin sa tamang pagkakataon. Para akong isang impostor. Kung may makakaintindi lamang sa akin, malalaman nila kung gaano kahirap maging mailap, tahimik, at nagtatago sa likod ng ngiti.

Minsan, naisip kong huminto muna sa paglalakbay—magnilay, suriin ang lahat ng aking ginagawa, at pag-ingatan ang bawat hakbang na aking gagawin. Ngunit sa bawat paghinto ko, tila may patalim na nakatutok sa akin—patalim na unti-unting nagbabago sa mura kong pag-iisip. Gusto kong magbago, umiwas sa mga taong nagpasama sa akin, ngunit tila wala akong lakas upang gawin iyon. Hanggang sa muling pumatak ang luha ni Inay. Ang kanyang mga yakap ang nagsilbing proteksyon sa panahong wala na akong mapuntahan, sa mga sandaling hindi ko na kayang gumalaw. Nakakatuwang isipin na kahit sa kabila ng lahat, umaasa pa rin siyang babalik ako sa dati kong pagkatao.

Muli akong tumayo at naglakbay sa daang hindi ko maipaliwanag. Sa aking paglingon, naroon si Inay—nakangiti at umaasang matatagpuan ko ang hinahanap kong “ako.” Ang kanyang pagkaway ay nagpatibay ng aking loob, tila ba sinasabing, “Maligayang paglalakbay, anak.” Hindi ko napigilang mapaluha, ngunit nagpatuloy pa rin ako sa aking paroroonan. Magulo ang aking isip—nais kong bumalik sa aking ina, ngunit nais ko ring makilala ang tunay kong sarili.

Sa gitna ng paglalakbay, hindi ko inasahang mahuhulog ako sa patibong ng ibang tulad kong impostor. Hindi ko alam kung makakabalik pa ako. Hindi ko man lang nagawang ipagtanggol ang sarili ko. Ngayong tila bihag na ako ng sarili kong mga kasalanan, hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari. Muli akong nag-isip—tumakas, tumakbo, hanggang saan ako dadalhin ng kapalaran. Iniwan ko ang bote ng alak, dinurog ko ang sigarilyo, nilisan ko ang mga babaeng walang halaga, sabay sabing: “Hindi ito ang buhay na gusto ko.”

Sa aking pagbabalik, nakita ko si Inay na umiiyak. Bumulaga sa akin ang isang kabaong. Pinilit ko siyang tawagin, ngunit tila hindi niya ako naririnig. Niyakap ko siya, ngunit wala akong maramdaman. Nang silipin ko ang loob ng kabaong, laking gulat ko nang makita ko ang aking sarili. Napaluha ako sa aking nasaksihan at napaluhod sa harap ng aking sariling bangkay. Doon ko tinanong ang sarili ko:
“Ito ba talaga ang gusto kong mangyari? Patuloy bang saktan ang taong nagmamahal sa akin nang buong puso?”

No comments:

Post a Comment